SORSOGON, Philippines — Kulang sa ensayo pero gagawin lahat ni Santy Barnachea upang masilo ang pangatlong titulo sa LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race na magsisimula bukas sa harap ng provincial capitol pero inaasahang mapapalaban siya sa tigasing Standard Insurance-Navy.
Papangunahan ni two-time champion Barna-chea ang Scratch It at para sa kanya, hindi pa niya masabi ang kanyang tsansa sa 10 Stages na magtatapos sa Vigan City sa March 4.
“Bigla akong kinausap kaya medyo kulang lang sa ensayo,” saad ni 43-gulang na si Barnachea. Mahirap ang karera ngayon. Maraming bagong magagaling. Siguro ‘yung tsansa natin masasabi ko lang kapag nagsimula na ang karera.”
Nasikwat ng Umingan, Pangasinan native ang korona noong 2011 at 2015 sa event na suportado ng LBC at inisponsoran ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation kasama ang Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Makakatapat ni Barnachea ang dalawang kampeon na sina Jan Paul Morales at Ronald Oranza ng Navy.
Nagkampeon si Morales, noong 2016 at 2017 habang si Oranza na taga-Pangasinan din ay naghari noong 2018.
Ang ibang kampeon na kasali ay sina Mark Galedo, (2012) ng 7Ele-ven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines at Reimon Lapaza, (2014) ng Celeste Cycles PH-Devel Project Pro Team.
Tanging sina defending champion Francisco Mancebo ng Spain at Irish Valenzuela (2013) ang hindi kasali sa mga former champions ng Ronda.
Pero tinitiyak ni LBC Ronda Pilipinas chairman Moe Chulani na bakbakang umaatikabo ang masisilayan.