MANILA, Philippines — Isang hindi malilimutang 2019 ang minarkahan ni Sisi Rondina matapos banderahan ang Philippine beach volleyball team sa bronze medal finish sa nakaraang 30th Southeast Asian Games, na naging daan para siya ay tumanggap ng mga pagkilala.
Ang tubong Compostela, Cebu ang napili ng Philippine Sportswriters Association (PSA) na bigyan ng Ms. Volleyball award sa taunang awards night sa Marso 6 at siya rin ang isa sa mga recipient ng 37th SMB-SAC All-Cebu Sports Awardee sa Pebrero 29.
Makakahanay ni Rondina ang mga ipinagmamalaking volleyball players sa bansa na pinarangalan ng PSA kagaya ni Alyssa Valdez na tatlong beses nakamit ang naturang parangal.
Ang iba pa ay sina Mika Reyes, Jaja Santiago, at Dawn Macandili.
“For me, blessed po ako nang sobra. Hindi ko naman din po inakala na ganito po ang ibabalik sa akin. Minahal ko lang talaga mga committments ko and siyempre, putting efforts sa lahat ng mga ginagawa ko lalo sa paglalaro po,” sabi ni Rondina.
Bukod sa bronze medal finish ay umariba rin si Rondina sa UAAP Season 81 kung saan pinangunahan niya ang UST Golden Tigresseses sa silver medal at naibulsa niya ang Most Valuable Player award.
Kinatawan din ni Rondina ang bansa sa FIVB Beach Volleyball World Tour 1-Star Boracay Open noong Mayo kasama ang kanyang long-time beach volleyball partner na si Bernadeth Pons.
Sa lahat ng mga nakamit niya sa nagdaang taon ay umaasa si Rondina na magiging instrumento siya para maging inspirasyon sa lahat ng kabataan at sa kapwa niya atleta na may mga hirap na pinagdaanan katulad niya.
Para naman kay Beach Volleyball Republic (BVR) founder at national team manager Charo Soriano, ang pagmamahal sa sports na kinamulatan at pagiging matatag sa kabila ng hirap ng buhay ang naging puhunan ni Rondina para marating ang kanyang kinalalagyan ngayon.