ILOCOS SUR, Philippines — Hindi na pinatagal pa ni Charly Suarez ang bugbugan para hablutin ang Luzproba Super featherweight title kontra kay Dave Barlas ng Polomolok, South Cotabato kamakalawa sa Sagupaan sa Ilocos Sur-1st Kannawidan Boxing Cup sa Sto. Domingo Coliseum dito.
Pinaabot lang ni Suarez, tubong Sawata, Davao del Norte ang laban sa loob ng 53 segundo ng 3rd round ng itinakdang 8 rounds sa pagposte ng Technical Knockout (TKO) win kay Barlas.
Naging matikas din ang porma ni Ben Fairtex Ligas ng Elorde Gym/Fairtex nang i-knockout si Joan Imperial ng John Bravo Boxing Gym, 2:13 ang oras sa third ng 8 round bout para angkinin ang Luzproba super flyweight crown sa torneong handog ni Ilocos Sur governor Ryan Singson sa pakikipagtulungan ng Elorde Ilocos Sur Promotions na bahagi ng pagdiriwang ng Kannawidan Ylocos Festival 2020 kasama sina boxing promoter Maria Laureta Elorde, Muay Thai promoter Francis Amandy at matchmaker Edmon Dellosa.
Umiskor din ng knockout (1st rd. 33 secs. ng 8 rds. ) si Argie Toquero ng Elorde Plus BF Parañaque laban kay Jimmy Borbon ng Sta. Elena, Camarines Norte para sa Luzproba super lightweight title.
Sa iba pang resulta, wagi by split decision (6 rounder) si John Mark Thuk ng Peñalosa Gym Araneta kay Ranelio Quizo ng Elorde South Box Las Piñas; panalo si Carl Jeffrey Basil ng Mabikas Boxing Baguio via TKO. 1:59 sa 5th kay Juanito Hondante ng Elorde Gym Vigan Ilocos Sur; at wagi rin by TKO, 2:45 sa 4th round si Roy Sumugat ng EPBFP kay Richard Morales ng 555 Fitness Gym QC.
Sa pro Mua Thai cards, nanaig si Jen Claude Sarmiento kay Ezekene Estomago sa pamamagitan ng unanimous decision (3rds, 115 lbs) at umiskor din ng knockout (1:29 secs. 3ds, 135 lbs) si Richard Lachica kay Jomel Celedonio at wagi rin si Mark Joseph Abrillo laban kay Mike Paiz, (UD).