MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng College of Saint Benilde ang Jose Rizal University, 25-22, 25-13, 25-20 para masiguro ang unang silya sa Final Four ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naging armas ng Lady Blazers ang balanseng atake nito upang sumulong sa ikapitong sunod na panalo at makalapit sa inaasam na sweep sa eliminasyon.
Umiskor ang lahat ng players ng Benilde na ipinasok maliban sa dalawang libero na naglaro kung saan nanguna sa scoring sina rookies Gayle Pascual at Mycah Go na parehong may walong puntos.
Nakagawa naman ng tig-pitong puntos sina skipper Klarisa Abriam at Michelle Gamit habang bumira ng tig-anim sina Diane Ventura at Kaila Miranda.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Benilde para makumpleto ang matamis na sweep sa eliminasyon.
“We are happy na nakakapag-contribute lahat ng players. Ang mindset namin ngayon, sana maging consistent kami, maging pulido ‘yung galaw namin sa last two games namin,” ani Benilde assistant coach Jay Chua.
Mainit ang Lady Blazers sa buong panahon ng laro matapos magpakawala ng 45 attacks laban sa 26 lamang ng Lady Bombers.
Sa ikalawang laro, sinakmal ng San Beda University ang University of Perpetual Help, 25-20, 25-19, 25-16, para maipuwersa ang two-way tie sa No. 3 spot.