Malalaking dalawang stakes race pakakawalan sa Pebrero 2

MANILA, Philippines — Dalawang stakes races ang inaabangan ng mga karerista na ilalarga sa Pebrero 2 sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.

Pakakawalan ang 4th Henry Cojuangco Cup at SC Stockfarm Graduates & Sires Produce Stakes Race na parehong suportado Philippine Racing Commission, (Philracom).

Masisilayan sa Cojuangco Cup ang super horse na Bugle Notes.

Markado ito sa mga karerista sa nasabing karera na may distansyang 1,750 metro at nakalaan ang    premyong P1.6 milyon na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.

Makakalaban ng Bugle Notes ang 10 tiga-sing kabayo na nagha-hangad din na masilo ang P900,000 na premyo, inisponsoran ito ng HAPI, Philracom at Manila Jockey Club Inc., (MJCI).

Bibigyan naman ng gold trophy ang winning horse owner na inisponsoran ni Amb. Eduardo Cojuangco, habang plaques ang makukuha ng winning trainer at jockey.

Ang iba pang kasali ay ang Ack, Dragon Butterfly, Full Stream, Gomper Girl, Lovely Flash, Lucky Vist, Murika, Sky Hook, UND Kantar at Viva Morena.

Tatanggapin ng second placer ang P400,000, habang P200,000 at P100,000 sa third at fourth placer, ayon sa pagkakasunod. 

Kakargahin ng mga male imported horses ang timbang na 57 kilograms at 55 kgs. naman sa female horses.

Kaya papasanin ng Bugle Notes, Ack at UND Jantar ang 57kgs., habang 55kgs. ang bubuhatin ng  Dragon Butterfly, Full Stream, Gomper Girl, Lovely Flash, Lucky Vist, Mu­rika at Viva Morena.

Ang nag-iisang local horse na Sky Hook ay magdadala ng 54 kgs

Anim na malulupit na batang kabayo ang magtatagisan ng bilis sa SC Stockfarm Gra­duates & Sires Produce Stakes Race.

May habang 1,300 meter race, sasalang ang Batang Evalom, Excumunicado, Fortress, Money Gain, Noon Bell at Surplus Boy.

Hahamigin ng mananalo ang P300,000 at P122,500 ang makokopo ng second placer, habang P62,500 at P25,000 ang kukubrahin ng third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.

Inisponsoran ito ng SC Stockfarm, INC.

Wala pang mga nakatokang hineta sa mga nabanggit na mga kabayo na sasalang sa stake race, pero posibleng ilabas ang opisyal na line-up sa Huwebes o Biyernes.

Show comments