MANILA, Philippines — Hindi binigo ng Princess Eowyn ang mga panatiko nito nang manalo sa katatapos na 2020 Philracom “Commissioner’s Cup” kahapon sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Bumanderang tapos ang pag-aari ni Edward Diokno na Princess Eowyn upang ilista ang unang panalo ngayong taon at makabawi mula sa pagkakatalo sa kanyang huling takbo noong 2019 sa Presidential Gold Cup championship na pinagwagian ng Super Sonic.
Humarurot kaagad sa unahan ang Princess Eowyn paglabas nito sa aparato upang hawakan ang limang kabayong agwat sa back stretch.
Dahil sa tulin ay walang nakadikit sa Princess Eowyn at nanatiling kapit ang malaking bentahe sa far turn, pero bahagyang kinabahan ang mga panatiko nito dahil lumapit ang mga kalaban sa huling 400 metro.
“Nakita kong lumalapit na mga kalaban, pero ang galing talaga ni Princess Eowyn, pinitik ko lang ng latigo ko at ayon lumayo ulit kami,” pahayag ni dating Philippine Sportswriters Association Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.
Pagsapit ng huling kurbada ay unti-unti nang lumalayo ang Princess Eowyn upang tawirin ang meta ng may apat na kabayo ang distansya sa sumegundong Pangalusian Island.
Inirehistro ng Princess Eowyn ang 1:50.8 minuto sa 1, 800 meter race sapat upang kubrahin ang premyong P900,000 mula sa Philracom.
Hinamig ng Pangalusian Island ang P337,500, habang P187, 500 ang nakopo ng Son Also Rises at P75,000 ang iniuwi ng Pinagtipunan.
Nabiyayaan din ng P15,000 ang bree-der ng winning horse.
Kinahon ng Princess Eowyn ang pang-18 panalo sa 19 na pagsalang na ang tanging dumungis sa malinis nitong karta ay ang Super Sonic.
Samantala, nagpakitang-gilas naman ang Fortune Island sa “Jose P. Gutierrez Santillan, Jr” Trophy Race na pinasibat sa pangalawang karera.
Nagmasid lang sa segundo puwesto ang Fortune Island at nang makakita ng tiyempo sa bandang hometurn ay inagaw na nito ang unahan upang tawirin ang finish line ng may dalawang kabayo ang agwat sa nasegundong Mount Bulusan.
Nilista ng Fortune Island ang 1:26.4 minuto sa 1,400 meter race, tumersero ang Classic Star, habang pang-apat ang Damong Ligaw.
Nagwaging dehado naman ang Indian Warrior sa Philracom-RBHS Class 3 Merged sa pinatakbo sa unang karera.