Hallasgo inangkin ang Milo national crown

Sina Jerald Zabala at Christine Hallasgo.
PM photo ni Jun Mendoza

Muling tinanggalan ng titulo si Tabal

TARLAC CITY, Philippines — Lalong pinatunayan ni Christine Hallasgo na siya na ang bagong reyna ng Philip­pine marathon matapos muling alisan ng korona si Mary Joy Tabal sa ginanap na Milo Marathon National Finals dito kahapon.

Tinakbo ng Malaybalay, Bukidnon native ang 42-kilometer endurance race sa loob lamang ng dalawang oras, 52 minuto at 23 segundo upang hagkan ang kanyang unang Milo national crown na siya ring nagwakas sa anim na taong pagrereyna ni Tabal.

Higanteng follow-up win ito ni Hallasgo matapos ding sibakin sa trono si Tabal sa nakaraang 30th Southeast Asian Games noong nakaraang buwan sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Nagkasya lamang sa segunda puwesto ang long-time Milo queen na si Tabal (2:58:49), habang puma­ngatlo ang dati ring SEAG gold medalist at betera­nang si Cristabel Martes (3:04:40).

“Hindi ko po ine-expect na matatalo ko ulit ‘yung idol ko. Kung ano po ‘yung mga achievements ko ngayon, pinaghirapan ko po. Wala po akong sama ng loob sa mga comments na tsamba lang ‘yung panalo ko sa SEAG pero para sa akin, lahat po ng narating ko, pinaghirapan ko,” ani Hallasgo.

Samantala sa male division, nakumpleto naman ni Jerald Zabala ang comeback win sa kabila ng inindang cramps sa kalagitnaan ng karera upang maging pinakabagong Philippine marathon king.

“Nag-cramps na po ako sa mga last 10 kilometers pero tinuloy ko pa rin po para makalapit pa rin tapos ibunuhos ko nalang po lahat sa dulo,” wika ng tubong Cagayan De Oro na isang segundo lang ang lamang sa pinakamalapit na karibal.

Kumaripas sa finish line si Zabala, fifth place lamang noong 2019 SEA Games, sa oras na 2:31:16 upang daigin sina Richard Salano (2:31:17) at Jeson Agravante (2:31:55).

Samantala sa iba pang events sa Milo National Fi­nals na may temang “One Team. One Nation. Go Philippines!”, nagwagi sina Nhea-Ann Barcena at Mark Anthony Oximar sa female at male divisions ng 21K, ayon sa pagkakasaunod.

Nanguna naman sina Merry Joy Trupa at James Darrel Orduna sa 10K, habang namayani sina Samantha Llesis at Jerry Vasquez sa 5K at sina Wella Mae Coronado at Darrell Johnson Bada sa 3K.

Panalo sa 42K open categories sina Stephen Muranbi at Margaret Njugune ng Kenya.

Show comments