F2 Logistics aasa pa rin kay Stalzer
MANILA, Philippines — Isang buwan bago ang opisyal na pagsisimula ng 2020 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ay ipinakilala na ng F2 Logistics Cargo Movers ang kanilang reinforcement sa import-laden conference na ito.
Muling masisilayan ang pagbandera ng F2 jersey ng American skipper na si Lindsay Stalzer na pormal na ipakikilala ng koponan sa kanilang Facebook page.
Pinost ng Cargo Movers sa kanilang page ang larawan ni Stalzer kung saan sinalubong nila ito sa airport at may caption pa ito na “Welcome back to your Home, away from Home.”
Matatandaan na unang nasulyapan sa Philippine volleyball stage ang 35-year old winger nang ibigay nito ang kanyang serbisyo sa Cignal HD Spikers sa 2014 edition ng PSL Grand Prix at nasundan ito nang tapikin siya ng Foton Tornadoes noong 2015, kung saan naibulsa niya ang kanyang unang PSL title at 2016.
Muling nagbalik-PSL noong 2017 ang tubong Peoria, Illinois sa ilalim naman ng Petron Blaze Spikers, kung saan nagtapos silang second place at noong 2018, isa si Stalzer na katuwang si Khat Bell, nanguna sa championship stint ng tropa.
Matapos ang dalawang taon sa Petron ay tu-malon si Stalzer noong 2019 Grand Prix sa Cargo Movers, kasama si Venezuelan wing spiker na si MJ Perez para sa silver-medal finish. FJ
- Latest