MANILA, Philippines — Bagong taon, bagong season para sa collegiate volleyball, sa pagbubukas ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) season 95 volleyball ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Sisimulan ng Arellano University Lady Chiefs ang kanilang kampanya sa liga sa pagdedepensa ng korona sa women’s division ng torneo sa pagharap sa host school na Lyceum Lady Pirates bandang alas-12 ng tanghali, na susundan ng bakbakang Perpetual Lady Altas at CSB Lady Blazers sa alas-2 ng hapon.
Nadagit ng Lady Chiefs ang ikatlong sunod na kampeonato sa pinakamatandang collegiate league sa bansa nang padapain nito ang determinadong Perpetual Lady Altas noong nakaraang season.
Muling sasandalan ng Arellano ang reigning Most Valuable Player (MVP) Necole Ebuen kasama ang season 94 Finals MVP Regine Arocha at ang core nito na pangunguna ni Princess Bello, Cherry Cuenca, Sarah Verutiao at Alyana San Gregorio.
Pipilitin naman ng Lady Pirates na makatungtong sa Final Four ngayong season matapos ang kanilang fifth place finish noong nakaraang season, sa pangu-nguna nina Jacque Acuna, Camille Belardo, Carol Galeno, Mary Onofre at Venice Puzon.
Sisimulan na rin ng back-to-back men’s volleyball champions na Perpetual Altas ang kanilang title-defense run sa pagsagupa sa CSB Blazers sa tila isang Finals rematch ng dalawang tropa bandang alas-3:30 p.m
Sa pagkalawa ng two-time Finals MVP na si Joebert Almodiel sa linya ng Altas, ibabandera nina Aqie Abdulla, KC Andrade, Hero Austria, John Christian Encarcisco, Kennry Malinis at John Rick Baggayan habang sasabayan naman ito ng Blazers sa pangu-nguna nina Ruvince Abrot, Roniey Adviento, Owen Bacani, Joshua de Sequera at Kevin Magsino.
Bubuksan naman ang banggaan ng junior’s match sa pagitan ng Lyceum at Arellano sa alas-8 ng umaga at sa alas-9:30 ng umaga ng men’s game ng Pirates at Chiefs bago ang opening ceremony sa alas-11 ng umaga at sa alas-5 ng hapon ang labanan Perpetual at CSB juniors division.