Montalbo pumirma sa TNT Katropa
MANILA, Philippines — Pumirma na si Kib Montalbo ng kontrata sa TNT Katropa isang buwan bago ang pagbubukas ng 2020 PBA Philippine Cup.
Hindi naidetalye ang halaga ng kontrata pero nabigyan ang dating La Salle Green Archers’ point guard ng 18-month rookie contract.
Napili ng Tropang Texters ang UAAP champion bilang 11th overall pick sa 2019 PBA regular Rookie Draft noong Disyembre.
Inaasahan ng TNT Katropa ang malaking tulong ni Montalbo lalo na sa tumatandaang backcourt sa pangunguna ni Jayson Castro.
Kilalang two-way player at leader ang Bacolod native na si Montalbo sa La Salle na nadala niya sa kampeonato noong 2016.
Matapos ang UAAP career, naglaro rin ang 6’0 guard para sa Makati Super Crunch sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) bago maisakatuparan ang PBA dream.
Samantala, kasalukuyan pang pinag-uusapan ng Tropang Texters ang status ng isa pang rookie na si Valandre Chauca mula sa Adamson.
Impresibo ang naging kampanya ng Fil-Peruvian guard na si Chauca sa UAAP at sa PBA D-League subalit hindi inaasahang babagsak sa draft nang makuha lamang bilang 46th overall pick.
- Latest