Union Bell pupuntiryahin ang huling panalo bago ang pagpasok ng 2020
MANILA, Philippines — May isang araw na karera pa bago pumasok ang 2020, kaya naman may tsansa pa ang Union Bell na ikahon ang huling panalo nito ngayong 2019.
Pakay ng Bell Racing Stable na masilo ng kanilang alaga sa huling stakes race ng taon sa pagsalang ng pambato nilang two-year-old horse Union Bell sa magaganap na 2019 Philracom Juvenile Championship.
Ilalarga bukas sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite ang nasabing event na paniguradong bakbakan ang mapapanood ng mga karerista dahil sa nakalaan na P2.5 milyon na ihahandog sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
Gagabayan ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez si Union Bell sa event na may distansyang 1,600 meter.
Nakalalamang sa laban ang Union Bell na hindi pa nakakatikim ng pagkatalo simula nang tumakbo sa pista ngayong taon.
“Napakainam ng Union Bell. Malaki ang tsansa niyang magkampeon sa Triple Crown sa susunod na taon,” pahayag ni Hernandez.
Makikipagtagisan ng bilis ang Union Bell sa mga tigasing batang kabayo na Exponential, Lucky Savings, Puro Asset at magkakamping After Party at Our Secret.
Kukubrahin ng magkakampeon ang premyong P1.5 milyon, igagawad sa second placer ang P562,500, habang P312,000 at P125,000 ang hahamigin ng third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
Aabutan naman ng P75,000 ang breeder ng winning horse mula sa Philracom, habang trophy ang ibibigay sa horse owner, trainer at jockey.
Samantala, magandang laban din ang masisilayan ng mga karerista sa Two-Year-Old Group Race category 7 na pakakawalan sa pang-anim na karera.
Markado ang kalahok na Boy George na sasakyan ni class A rider Rodeo Fernandez at Money Dance na papatungan ni dating PSA Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
Mag-uunahan ang walong kabayo sa 1,400 meter race kung saan inisponsoran ng Philracom ang nasabing event.
Ang iba pang kalahok ay ang Money Gain, Golden Double, Sarangani Island, Tahiran Island, Fortress at Rivine Master.
Inaasahang malaki ang magiging bentahan dahil maraming mag-aasam na manalo sa carry-over na P139,993.84 sa Super Six.
- Latest