Blatche maglalaro para sa Mighty Sports

MANILA, Philippines — Magbabalik-aksyon si Andray Blatche sa bansa subalit hindi muna para sa Gilas Pilipinas kundi sa Mighty Sports-Philippines para sa nalalapit na kampanya ng koponan sa 31st Dubai International Basketball Tournament sa susunod na buwan.

Inihayag ni head coach Charles Tiu ang pagkaka­sama ng 33-an­yos na be­terano sa kanyang kopo­nan na sasagupa kontra sa pinakamagagaling na ball clubs sa Asya mula Enero 23 hanggang Pebrero 1.

Umaasa si Tiu sa expe­rience, inside presence at galing pa rin ng dating NBA player na magiging alas nila sa torneo kung saan sila pumangatlo noong nakaraang taon.

Huling naglaro si Blatche para sa Gilas Pi­lipinas sa 2019 FIBA World Cup noong Set­yembre sa China.

Bagama’t sa kulelat na puwesto nagtapos ang Gilas, solido pa rin ang na­­ging performance ng 6-foot-11 na si Blatche na nagrehistro ng mga ave­rages na 15.8 points, 8.4 rebounds, 3.4 assists at 2.4 steals.

Si Blatche na ang na­turalized player ng Philippine team simula noong 2014 at naging bahagi ng mga tagumpay ng Natio­nals sa FIBA Asia Championship at FIBA World Cups.

Sa Mighty ay mga ri­sing stars ng Pinas ang makakasama ni Blatche katulad nina Juan at Javi Go­mez De Liaño, Dave Il­defonso at Filipino teen sensation Kai Sotto.

 

Show comments