MANILA, Philippines — Nagkasya lamang sa ikaapat na puwesto si two-time World 10-Ball champion Rubilen Amit sa prestihiyosong 2019 Women’s World 9-Ball Championship na ginanap sa Jinghai International Holiday Hotel and Resort sa Sanya, China.
Lumasap ang 38-anyos Cebuana ng 3-9 kabi-guan sa kamay ni Zhou Doudou ng China sa battle-for-third game.
Nahulog sa bronze-medal match si Amit matapos matalo kay dating world champion Jasmin Ouschan ng Austria sa iskor na 2-9 sa semifinals.
Bigong malampasan ni Amit ang kanyang third-place finish noong nakaraang taon.
Tanging second place lamang ang pinakamataas na naabot nito sa World 9-Ball noong 2007 sa Taoyuan, Taiwan ngunit naka-dalawa na si Amit sa World 10-Ball noong 2009 at 2013.
Gayunpaman, magiging masaya pa rin ang Pasko ni Amit dahil naka-dalawang ginto ito sa katatapos na 2019 Southeast Asian Games.
Pinagreynahan ni Amit ang women’s 9-ball pool singles habang nakipagsanib-puwersa ito kay Chezka Centeno sa pagkopo ng women’s 9-ball pool doubles.May P300,000 pabuya ang gobyerno sa lahat ng gold medallists na nakasaad sa Republic Act 10699 habang nagdagdag si Pangulong Rodrigo Duterte ng P250,000 para mga gold winners. Mayroon ding P200,000 para sa gold medallists ang manggagaling naman sa Philippine Olympic Committee.