Max contract alok ng Blackwater kay Shaw

MANILA, Philippines — Inalok na ng Blackwater ang second overall pick nilang si Maurice Shaw ng maximum three-year contract para maging isa sa pambato nila para sa 2020 PBA Season.

Inaasahang pipirma  sa kontrata ang 6’8 big man na si Shaw ngayong linggo para maging opisyal na bahagi ng Elite roster.

Napili si Shaw ng Blackwater bilang No. 2 pick sa ginanap na regular draft ng PBA sa likod lamang ni Roosevelt Adams na sinikwat ng Columbian bilang top pick.

Sina Adams at Shaw ang naging top choices ng koponan matapos ang special draft kung saan napili ang limang Gilas Pilipinas cadets na gugugulin muna ang panahon sa national team bago makapaglaro sa kanilang mother clubs pagkatapos ng 2023 FIBA World Cup na dito gaga­na­pin sa bansa.

Ito ay sina top pick Isaac Go ng Columbian, Rey Suerte ng Blackwater, Matt Nieto ng NLEX, Allyn Bulanadi ng Alaska at Mike Nieto ng Rain or Shine.

Produkto ang 34- an­yos na si Shaw ng Hut­chinson College at dating miyembro ng sikat na Har­lem Globetrotters.

Inaasahan ng Blackwater na mapupunan ni Shaw ang middle presence ng Elite simula nang mawala sa kanila si JP Erram no­ong nakaraang taon.

Ilan pa sa mga napiling rookies ng Blackwater ay sina Richard Escoto, Chris Bitoon at Hubert Cani.

Kagagaling lang ni Ca­ni sa FEU stint sa UAAP at naglalaro pa si­na Escoto (Iloilo) at Bitoon (Mani­la) sa MPBL na matatapos sa Abril.

 

Show comments