CLARK, Philippines — Sa ika-10 sunod na pagkakataon ay muling dinomina ng Philippine Blu Girls ang women’s softball competition, habang nakakuha rin ng mga ginto ang bansa sa iba pang events.
Minasaker ng Blu Girls ang Indonesia, 8-0 para kumpletuhin ang pagkopo sa gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa The Villages.
Sapul noong 2001 SEA Games ay hindi na naalis sa ulo ng mga Blu Girls ang women’s softball crown.
Nabigo naman ang Blu Boys na maduplika ang pagrereyna ng Blu Girls nang makuntento sa silver medal makaraang makalasap ng 1-6 kabiguan sa Singapore sa kanilang final round match.
Sa baseball, pinulbos ng Philippine baseball team ang Thailand, 15-2, para angkinin ang ikatlong gintong medalya matapos maghari noong 2005 at 2011 SEA Games.
Sa Deca Wake Park Clark, dalawang gintong medalya ang iniambag nina Susan Larsson at Jhondi Wallace matapos manguna sa wakeskate finals ng wakeboard at waterski competition.
Nakahugot si Larsson ng 61.00 points para ta-lunin sina Thip Penpayap (50.00) ng Thailand at Alysha RIzwan (39.33) ng Singapore.
Kumolekta naman si Wallace ng 70.33 points para ungusan sina Polapat Romchatngoen (67.00) ng Thailand at kababayang si Christian Joson (64.33)
Nagdagdag si Samantha Bermudez (62.67) ng silver medal matapos matalo kay Patcharapon Jungguluam (72.33) ng Thailand sa women’s wakeboard event.
Nilundag naman ng 25-anyos na si Nathalie Uy ang gold medal sa womens pole vault para sa gold na pinarisan ni Willie Morrison sa men’s shotyput sa athletics competition na ginaganap sa New Clark City.