MILWAUKEE -- Nangailangan lamang si Gian-nis Antetokounmpo ng 22 minuto para muling magtala ng double-double.
Humakot si Antetokounmpo ng 29 points at 15 rebounds para akayin ang Bucks sa ika-12 sunod na ratsada mula sa 132-88 pagdurog sa New York Knicks.
Ipinoste ng Milwaukee (18-3) ang 47-point lead kung saan hinaltak ni Antetokounmpo ang kanyang pang-10 rebound sa huling 4:43 minuto sa second quarter para sa kanyang NBA-leading na ika-20 double-double.
Ipinahinga siya sa huling limang minuto ng third quarter sa 93-54 kalamangan ng Bucks.
Nagdagdag si D.J. Wilson ng career-high 19 points habang may 16 at 14 markers sina Khris Middleton at George Hill, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni Julius Randle ang Knicks (4-17) mula sa kanyang 19 points kasunod ang 14 markers ni Damyean Dotson.
Sa Charlotte, tumipa si Kelly Oubre Jr. ng 23 points, kasama ang dalawang mahalagang three-pointers sa huling minuto ng laro para ihatid ang Phoenix Suns sa 109-104 pagdaig sa Hornets.
Nag-ambag si Devin Booker ng 23 points at may 16 markers at 10 boards si Dario Saric para sa Suns, tinapos ang three-game losing skid.
Pinamunuan ni Marvin Williams ang Hornets sa kanyang season-high 22 points.
Sa Philadephia, nagsalpak si James Ennis III ng isang triple at kumamada si Tobias Harris ng 26 points para tulungan ang 76ers sa 103-94 panalo kontra sa Utah Jazz.