LOS ANGELES — Isinalpak ni Kawhi Leo-nard ang game-winning jumper sa huling 15 segundo para tumapos na may 24 points sa 122-119 pagtakas ng Clippers laban sa Houston Rockets.
Naimintis ni Russell Westbrook ang kanyang tira para sa Rockets, habang nahablot naman ni Los Angeles forward Paul George ang rebound na nagresulta sa dalawa niyang free throws.
May 10-1 record ngayon ang Clippers sa kanilang balwarte.
Nagdagdag si George ng 19 points habang kumamada sina Lou Williams at Montrezl Harrell ng 26 at 18 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa Chicago, humataw si Jimmy Butler ng 27 points laban sa dati niyang koponan para tulu-ngan ang Miami Heat na pulutanin ang Bulls, 116-108 at itala ang kanilang pang-limang sunod na ratsada.
Kumampanya si Butler para sa Chicago mula noong 2011 hanggang 2017.
Nagdagdag siya ng 7 assists at 5 rebounds para sa Miami.
“A win is a win. I’m not going to downplay that none, but I think the way we have been winning is not the way we would like to win,” wika ni Butler.
Nagposte naman si Bam Adebayo ng 16 points at 14 rebounds habang may 21 markers si Kendrick Nunn para sa 11-3 record ng Heat na nagtayo ng 26-point lead laban sa Bulls.
Binanderahan ni Zach Lavine ang Chicago mula sa kanyang 15 points.
Sa Oklahoma City, humugot si Anthony Davis ng 24 sa kanyang 33 points sa second half para banderahan ang 130-127 pagdaig ng Los Angeles Lakers laban sa Thunder.
Kumulekta rin si Davis ng 11 rebounds at 7 assists para sa 13-2 baraha ng Lakers, habang tumapos si LeBron James na may 23 points at 14 assists.
Ito ang ikaanim na sunod na pananalasa ng Los Angeles.
Pinangunahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Oklahoma City mula sa kanyang 24 points kasunod ang 22 markers ni Steven Adams.
Sa Salt Lake City, humataw si Donovan Mitchell ng 30 points at may 27 markers si Mike Conley para igiya ang Utah Jazz sa 113-109 pananaig kontra sa Golden State Warriors.
Umiskor si Bojan Bogdanovic ng 17 points para sa Jazz, nakahugot kay Rudy Gobert ng 19 rebounds at 7 blocks.
Pinamunuan ni Alec Burks ang Warriors mula sa kanyang 20 points kasunod ang 18 markers ni Omari Spellmen, habang may tig-17 points sina Glenn Robinson III at Ky Bowman.