MANILA, Philippines — Pinalawig ng PBA ang deadline nito sa aplikasyon ng mga Fil-Foreigners para sa paparating na 2019 PBA Rookie Draft hanggang sa Nobyembre 29.
Ito ay matapos ang manipis na bilang ng mga aplikante sa original na deadline na napaso na noong Oktubre 23.
Kabuuang pitong manlalaro lamang ang nagsumite ng kanilang aplikasyon sa naturang deadline sa pa-ngunguna nina Roosevelt Adams, Vince Tolentino, Adrian Wong at Sean Manganti.
Nasa maikling listahan din sina Jason Riley, Daryl Singontiko at Mark Taylor.
Siyam ang orihinal na listahan ng Fil-Foreign applicants subalit umatras sina Franky Johnson at Troy Rike upang ituon ang kanilang atensyon sa tangka ng Pilipinas na makapasok sa 2020 Tokyo Olympics sa pamamagitan ng 3x3 basketball.
Ito rin ang dahilan ng naunang desisyon ni projected top overall pick Joshua Munzon na hindi muna magpa-draft ngayong taon.
Ang Fil-Am sensation sana ang projected No.1 pick sa 2019 PBA Rookie Draft.
Ang petsang Nobyembre 29 din ang deadline para sa mga lokal na manlalaro.
Nakatakda ang PBA Rookie Draft sa Disyembre 8 sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila na inaasahang babanderahan nina Ateneo pair Isaac Go at Thirdy Ravena.
Masusubok naman ang kilatis ng mga PBA aspirants sa gaganaping PBA Draft Combine mula Disyembre 4-5 sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong. Noong 2018 PBA Rookie Draft ay nanguna sina CJ Perez, Ray Parks Jr. at Robert Bolick bilang 1-2-3 picks.