MILWAUKEE— Itinala ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang ikalawang triple-double sa season at pinadapa ng Bucks si Carmelo Anthony at ang Portland Trail Blazers, 137-129.
Kumolekta si Antetokounmpo ng 24 points, 19 rebounds at career-high na 15 assists para akayin ang Milwaukee sa kanilang pang-anim na sunod na pananalasa.
Si Antetokounmpo, nagtala rin ng triple-double sa season opener, ay mayroong 16 career triple-doubles para sa 14-2 record ng Milwaukee sa nasabing mga laro.
Nagdagdag si guard Eric Bledsoe ng 30 points at 6 assists sa highest-scoring game ng Bucks ngayong season.
Matapos namang tumipa ng 10 points mula sa 4-of-14 shooting sa kanyang season debut laban sa New Orleans Pelicans kamakalawa ay nagtala si Anthony ng 18 points para sa Blazers.
Nagdagdag ang 10-time All-Star ng 7-rebounds para sa Portland na naglaro nang wala sina injured Hassan Whiteside (hip), Damian Lillard (back), Zach Collins (shoulder) at Jusuf Nurkic (leg).
Humataw si CJ McCollum ng game-high na 37 points, habang humakot si Skal Labissiere ng 22 markers, 12 rebounds at 5 blocks para sa Blazers.
Sa Phoenix, humugot si Brandon Ingram ng 15 sa kanyang 28 points sa fourth quarter at tumipa si JJ Redick ng 26 markers para tulungan ang Pelicans sa 124-121 pagdaig sa Suns.
Nagsalansan si Jrue Holiday ng 23 points at 9 assists para sa ikatlong sunod na ratsada ng New Orleans, nakahugot kay E’Twaun Moore ng season-high na 19 points.
Ang three-point play ni Ingram ang nagbigay sa Pelicans ng 122-115 abante sa huling 1:25 minuto ng fourth period.
Naimintis naman ni Holiday ang dalawa niyang free throws sa natitirang 0.5 segundo na nagbigay ng tsansa sa Suns na makatabla matapos ang timeout.
Ngunit hindi nila nagawang makatira sa pagtunog ng final buzzer.
Pinamunuan ni Kelly Oubre Jr. ang Suns, nalasap ang ikatlong dikit na kabiguan, mula sa kanyang 25 points, habang may 19 markers si Devin Booker.
Naglaro ang Phoenix na wala sina center Aron Baynes at Ricky Rubio.