Binigyang pugay ng PBA ang isa sa kanilang mga founding fathers – John Gokongwei Jr., 93 -- na mapayapang sumakabilang-buhay noong Linggo ng umaga sa Manila Doctors Hospital.
Kapuri-puri naman talaga ang ambag ni Ginoong Gokongwei sa PBA, at siyempre lalo na sa larangan ng negosyo bilang isa sa mga tinatawag na captains of industry.
Naging matunog ang pangalang Gokongwei sa PBA kasabay ang pamamayagpag ng kanyang koponang Great Taste/Presto/Tivoli noong dekada 80.
Sila ang unang koponang nagkaroon ng sariling matatag na era sa pagtatapos ng Crispa-Toyota era.
Mayroon ngang nagsasabi na sila actually ang tumapos ng rivalry na kumiliti at nagpaindak sa PBA noong dekada 70 hanggang sa mga unang taon ng 80s.
Natapos ang paghahari ng Crispa Redmanizers nang matatag ang bagong powerhouse team na binubuo nina Bogs Adornado, Ricky Brown, Manny Victorino, Joel Banal, Joy Carpio na lalong tumatag sa pagpasok nila Abe King, Philip Cezar, Arnie Tuadles, Chito Loyzaga at Willie Pearson.
Nagkaroon sila ng sariling mainit na streak nang manalo ng apat na sunod na kampeonato simula noong 1984 All-Filipino II.
Sa pagpasok ni Allan Caidic noong 1987, nakadalawang kampeonato pa ang Great Taste bago ito namaalam sa liga at ipinasa ang prangkisa sa Sta. Lucia Realty. Sina Vergel Meneses at Bong Hawkins ang dalawa pang future PBA stars na sinimulan ang pro career sa koponan ni Ginoong Gokongwei.
Isa ang Presto sa nagbigay ningning sa PBA sa kasagsagan ng liga habang tinatamasa ang magandang bunga ng isang balanseng liga kalaban ang San Miguel Beer, Ginebra, Purefoods, Shell, Alaska, Manila Beer.