MANILA, Philippines — Nakabangon mula sa kanilang mga kabiguan ang Bacoor Strikers at Pasig Sta. Lucia Realtors para makabalik sa kanilang porma sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season kamakalaawa ng gabi sa Olivarez College Gymnasium sa Parañaque City.
Pinabagsak ng Strikers ang Navotas Uni-Pak Sardines, 87-78, at sumandal ang Realtors kina Robbie Manalang at Josan Michael Nimes para igupo ang Bulacan Kuyas, 77-72.
Nakahugot ng puntos ang Strikers kina Michael Canete at Nick Demusis para itaas ang kanilang record sa 16-5 sa South division sa ilalim ng Davao Occidental Tigers (16-3).
Tumapos si Canete na may 22 points, habang may 20, 12 at 10 markers sina Demusis, Christopher Sumalinog at RJ Ramirez, ayon sa pagkakasunod.
Nakakuha ang Navotas ng 15 points kay Jhong Bondoc kasunod ang 12 markers ni Osama Abdurasad para sa kanilang 5-13 marka sa North division.
Nagpasabog si Manalang ng 26 points kasama ang limang triples at nagdagdag si Nimes ng 21 markers para sa panalo ng Realtors kontra sa Kuyas.
Sa huling laro, tinakasan ng Parañaque Patriots ang Soccsksargen Marlins, 73-70, para sa kanilang 8-11 marka.