Gazz Angels babawian ang Cool Smashers

Binutas ni Stephanie Mercado ng PetroGazz ang depensa ng Creamline.
PM photo ni Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Aminado si Petro­Gazz coach Arnold La­niog na ang kanilang mabagal na simula ang naging mitsa ng pagka­talo nila sa Creamline sa Game One ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Fi­nals kamakalawa.

Hindi nakaporma ang 2019 Reinforced Con­ference titlist na Gazz Angel nang madalian silang pinalubog ng nagdedepensang Cool Sma­shers, 14-25, 22-25, 25-27, at dagitin ang 1-0 bentahe sa serye.

Para kay Laniog, first set pa lamang ay nakita na nila ang mataas na kum­piyansa ng Creamline at mula roon ay ta­lagang nahirapan na si­lang sabayan ang tropa ni coach Tai Bundit.

“Parang biglang nag-iba iyong hitsura eh. As much as possible, hin­di natin puwedeng ma­kita ‘yung Creamline na as early as first set, big­lang nakita kaagad natin ‘yung kumpiyansa nila eh,” sabi ni Laniog. “Talagang credit talaga sa Creamline. Talagang gusto nilang manalo.”

Humanga rin si La­niog sa ipinakitang laro nina Alyssa Valdez at Jema Galanza para sa Cool Smashers.

“Talagang nakontrol ni­la kami sa attack, es­pe­cially ‘yung dalawang wings (Valdez at Galanza), talagang nag-step up talaga,” dagdag nito.

Pipilitin ng Gazz An­gels na mapahaba ang serye at makabawi man lamang kahit isang panalo sa tatlong beses nilang paghaharap sa liga.

Ngunit naniniwala si Laniog na kakayanin nilang maipanalo ang Game Two.

“Hindi pa nga kami na­nanalo sa tatlong game. But again, hindi pa rin naman natatapos doon. We have slim chances. Sabi ko nga sa players, once na pinanghawakan natin as a team ‘yun, kaya,” panapos ni Laniog.

Hahataw ang Game Two bukas.

 

Show comments