MANILA, Philippines — Opisyal nang maglalaro si Bobby Ray Parks, Jr. para sa TNT Katropa matapos aprubahan kahapon ng PBA ang trade sa Blackwater.
Bilang kapalit ay pinakawalan ng Tropang Texters sina Don Trollano, Anthony Semerad at dalawang future picks patungo sa Elite, ayon sa transaction na pinayagan na ng PBA Commissioner’s Office.
Kinailangang idagdag ng TNT Katropa sa nasabing package si Semerad para maging patas ang palitan matapos soplahin ng Blackwater ang una nitong alok na sina Trollano at draft picks sa 2019 at 2021.
Isa si Parks sa pinakamagaling na rookie ngayong taon buhat nang mapili bilang second overall pick ng Blackwater noong 2018 PBA Rookie Draft.
Sa kampo ng TNT Katropa ay inaasahan ang malaking tulong ng anak ni PBA legendary import Bobby Parks lalo’t injured ngayon ang pambato nilang si Jayson Castro.
Makakasama ni Parks sa Tropang Texters sina RR Pogoy at Troy Rosario para sa misyong mapanatili ang puwesto sa tuktok ng standings tangan ang 7-1 baraha.
Ito na ang ikalawang transaction ng TNT Katropa sa season-ending conference matapos kunin si Mike Digregorio mula rin sa Blackwater kapalit ni Brian Heruela.
Sa panig naman ng Elite ay ikatlong trade na nila ito sa PBA Governors’ Cup matapos ipalit sina Allein Maliksi at Raymar Jose sa Meralco para makuha sina Niño Canaleta, Mike Tolomia at future draft picks.
Nasa ilalim ng standings ang Blackwater sa hawak ang 2-7 bahara at lalabanan ang San Miguel sa Miyerkules.
Sasabak naman si Parks bilang TNT Katropa sa Biyernes kontra sa Ginebra.