MANILA, Philippines — Tiwala si John Leerams “Rambo” Chicano na masisikwat niya ang gintong medalya sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games kahit pa nagkasya lang siya sa silver medal sa katatapos lang na 2019 Black Arrow Express 5150 Triathlon kamakalawa sa Subic.
Tinapos ni Chicano ang Olympic-distance na 1.5K swim, 40K bike at 10K run sa loob ng dalawang oras, limang minuto at 23 segundo upang pumangalawa kay Fernando Jose Casares (2:04.35).
Subalit kuntento pa rin si Chicano sa kanyang naging karera lalo’t ito na ang huling event niya bago ang kampanya sa SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“Okay naman po ‘yung naging race natin. Magandang gauge, magandang test event ito para sa akin kasi malakas ‘yung field,” ani Chicano na nakasabay din sa karera ang mga pro triathletes na sina Jakub Langhammaer ng Czech Republic at Sam Betten ng Australia.
Ito ang huling karera ni Chicano bago ang SEA Games matapos sumali unang triathlon event sa New Clark City noong nakaraang linggo na pinagwagian niya.
“Mga 80 percent na ngayon. Konting adjust na lang siguro, lalo na sa bike, okay na tayo,” dagdag ni Chicano na nagkasya sa silver medal noong 2017 sa Malaysia.