Catantan tumusok ng gold sa fencing
MANILA, Philippines — Humirit ng gintong medalya si Pinay fencer Samantha Kyle Catantan sa 2019 Asian Under 23 Fencing Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Inilampaso ni Catantan si Yu Min Chui ng South Korea sa championship round ng women’s individual foil para masiguro ang nag-iisang gintong medalya ng Pilipinas sa torneo.
Umabante sa finals si Catantan matapos ilusot ang dikitang 15-14 panalo laban sa isa pang South Korean bet na si Minseo Choi sa semifinals.
Kabilang din sa mga tinalo ng Pinay fencer sina Natnicha Woravjit ng Thailand sa second round (15-4), Yan Chin-Man ng Chinese-Taipei sa third round (11-10) at Philippa Ong Jiyi ng Malaysia.
Nakahirit ng first-round bye si Catantan.
Hindi naman pinalad ang iba pang miyembro ng pambansang koponan na sina Shawn Nicollei Felipe, Nathaniel Perez, Jaime Viceo, Prince John Francis Felipe, Queen Denise Dalmacio, Allaine Nicole Cortey at Elvielyn Joy Javinar.
Nagtapos sa ika-10 si Shawn Nicollei matapos makaabot sa third round sa men’s foil category.
May first round bye si Shawn Nicollei bago igupo si Denis Anatsko ng Indonesia sa second round (15-13) ngunit yumuko sa third round sa kamay ni Tamirlan Kaliyev ng Kazakhstan (4-15).
Nasa ika-15 naman si Perez, ika-19 si Viceo at ika-22 si Prince John Francis - lahat sa men’s foil din.
Sa women’s sabre, ika-13 si Dalmacio, ika-24 si Cortey at ika-33 si Javinar.
- Latest