MANILA, Philippines — Umani ang national wushu team ng dalawang pilak at dalawang tansong medalya sa prestihiyosong 15th World Wushu Championships na ginanap sa Shanghai Minhang Stadium sa Shanghai, China.
Nagkasya si Russel Diaz sa pilak na medalya matapos lumasap ng 1-2 kabiguan kay Parveen Kumar Punjab ng India sa championship round ng men’s 48 kg. sanda competition.
Nakapasok sa finals si Diaz nang pataubin nito sina Orkhan Hatamov ng Azerbaijan sa semifinals sa iskor na 2-0 at si Ade Pemana ng Indonesia sa quarterfinals sa bendisyon naman ng 2-1 desisyon.
Nagkasya rin sa pilak si 2018 World Sanda Cup gold medallist Arnel Mandal makaraang lumasap ng 0-2 kabiguan kay Mahmoud Gomaa ng Egypt sa gold-medal match ng men’s 52 kg. sanda event.
Nakasiguro ng tansong medalya sina dating world champion Divine Wally (women’s 48 kg. sanda) at Clemente Tabugara Jr. (men’s 65 kg. sanda) na kapwa yumuko sa kanya-kanyang semis matches.
Natalo si Wally kay Thi Chinh Nguyen ng Vietnam (0-2) habang yumuko si Tabugara kay Erfan Ahangarian ng Iran (0-2).