Porac naghari sa 3x3 MelMac Cup 5th leg

MANILA,Philippines — Tinabunan ng Big Boss Cement-Porac ang Phenom Basilan CTC Construction, 21-14, pa­ra sikwatin ang titulo ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 MelMac Cup fifth leg kamakalawa ng gabi sa Gold’s Gym Sheridan sa Mandaluyong City.

Ito ang unang titulo ng Porac sa 3x3 national league matapos mag­kas­ya sa pares ng runner-up finishes kontra sa Pasig sa nakalipas na da­la­wang legs.

Bumida para sa Porac ang dating Adamson Falcon na si Ryan Monteclaro na naglista ng 10 points kabilang ang game-winning deuce para masiguro ang ta­gumpay ng Builders sa 3x3 league na suporta­do rin ng Coca Cola at Gold’s Gym.

“Hindi namin ito ine-expect. Ngayon, nagkaroon ulit kami ng chance and fortunately, nag-click kaming lahat,” ani Monteclaro na No. 29 ranked 3x3 player nga­yon sa bansa.

Matapos ang masakit na second place finishes sa third at fourth leg ay si­nuwerte sa wakas ang tropa upang maging ika­lawang koponan ngayon na magwagi ng 3x3 leg bukod sa Balanga.

Tatlong leg na ang nabulsa ng No. 1 nga­yon sa overall rankings na Pasig.

“Pinaghirapan talaga namin and we just took advantage of the opportunity kasi lagi na lang Pasig at Balanga,” dagdag ni Monteclaro lalo’t sinilat nila ang Pasig sa semifinals, 21-20.

Sumuporta kay Monteclaro si Ford Ruaya na may apat na puntos para sa Porac na nauwi rin ang P100, 000 premyo.

Nagkasya ang Phenom-Basilan CTC Constructionsa sa P30,000 at P20, 000 ang naiuwi ng Pasig na pumangatlo.

Sa women’s division, binitbit ni Gilas Pilipinas women standout Janine Pontejos ang Ever Bilena kontra sa Team X, 21-9.

Nagtala ng 11 points si Pontejos para masi­guro ang P20,000 pa­buya ng Ever Bilena.

 

Show comments