MANILA, Philippines — Matapos ang halos tatlong buwan, nagbalik na rin sa wakas si Marcio Lassiter sa aksyon para sa San Miguel sa 2019 PBA Governors’ Cup.
Subalit hindi ito naging maugong katulad ng inaasahan nang magkasya lang sa dalawang puntos, tatlong rebounds, isang assist at isang steal si Lassiter sa loob ng pitong minutong aksyon.
Sa kabila ng limitadong aksyon ng Fil-Am gunner nay nagwagi ang Beermen kontra sa Magnolia Hotshots, 90-89, upang umangat sa 4-0 kartada.
Aminado si Lassiter na wala pa siya sa kondisyon lalo’t matagal siyang nawala at sa ngayon ay nasa 70 porsyento pa lamang siya.
Sa oras na maging 100 porsyento na ulit si Lassiter, inaasahang lalong gaganda ang timpla ng San Miguel na umaasam ng PBA Grand Slam matapos kunin ang Philippine Cup at Commissioner’s Cup titles.
Nadale ng MCL Grade 2 sprain injury si Lassiter noong Hulyo sa kasagsagan ng 2019 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals at hindi na nakalaro sa natirang bahagi ng championship run ng Beermen.
Bukod sa Commissioner’s Cup, hindi rin nakalaro si Lassiter para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup noong nakaraang buwan sa China.