MANILA, Philippines — Binusalan ng Ateneo De Manila University ang University of Santo Tomas, 66-52, para masungkit ang ika-walong panalo at paigtingin ang kapit sa liderato sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall Of Asia sa Pasay City.
Kumana si star guard Thirdy Ravena ng 17 points, 9 rebounds at 2 steals para pamunuan ang Blue Eagles sa malinis na 8-0 kartada.
Nagdagdag si ng SJ Belangel ng 11 markers kasunod ang 8 points ni big man Isaac Go para ipalasap sa Growling Tigers ang pang-apat nitong kabiguan sa walong asignatura.
“All I can say is thank God for our defense,” sabi ni coach Tab Baldwin
Sa pamumuno Ravena ay maagang nag-init ang openas ng Ateneo para hawakan ang 26-17 bentahe sa halftime.
Nagpaulan ng magkasunod na tres sina Belangel at Matt Nieto upang tulungang ilayo ang Blue Eagles laban sa Growling Tigers, 50-37, sa 7:15 minuto sa fourth period.
Nagsalpak ng isang floater si Gian Mamuyac sa huling 55 segundo ng final canto para selyuhan ang panalo ng Ateneo.
Wala namang nagawa ang career-high na 18 points ni Mark Nonoy sa panig ng UST.
Sa kabila ng kabiguan ay nanatili sa solo third spot ang Growling Tigers hawak ang 4-4 kartada.
Sa unang laro, nagtala ng pinagsamang 36 points sa second half sina import Alex Diakhite at Rey Suerte ng University of the East upang dagitin ang ikatlong panalo kontra sa Adamson University, 80-74 at makihanay sa four-way-tie sa fourth spot.
Kumayod ang Senegalese big man na si Diakhite ng 29 points, 13 rebounds at 2 blocks katuwang ang Cesafi MVP na si Suerte na may 26 markers, 7 boards at 3 assist para ihatid ang Red Warriors sa sa 3-4 marka kagaya ng Soaring Falcons, FEU Tamaraws at La Salle Green Archers.
Naging mabagal ang simula ng UE nang iwanan ng Adamson sa first half, 31-36, ngunit binura nila ito at naagaw ang 59-56 bentahe sa third period.
Inilayo pa nina Diakhite, Suerte at Chris Conner ang Red Warriors sa 65-56 sa pagpasok ng final canto.
Naibaba ito ng Soaring Falcons sa 68-69 mula sa back-to-back triples ni Jerrick Ahanmisi sa 5:20 minuto ng laro.
Kagad itong nasawata nina Diakhite at Suerte para sa Recto-based cagers.