MANILA, Philippines — Magsisimula nang pumalo ang Philippine leg ng 2019 ASEAN Grand Prix ngayong araw sa Sta. Rosa Multi-purpose Complex sa Laguna.
Maghaharap uli ang apat na bansa sa Southeast Asian region para sa titulo ng torneong ito na pangungunahan ng Pilipinas kasama ang mga powerhouse na Thailand, Indonesia at Vietnam.
Pipiliting maduplika ng Pilipinas ang ginawa nilang ratsada sa inaugural staging ng torneo sa Nakhon Ratchasima kung saan naibulsa ng Philippine women’s volleyball national team ang bronze medal.
Masisilayan na rin na maglaro para sa bansa si “The Phenom” Alyssa Valdez, na hindi nakasama ng Nationals sa unang leg noong Setyembre 20-22 sa Thailand dahil sa tinamo niyang right ankle injury.
Dadagdag din sa line-up ng Nationals ngayon sina Jasmine Nabor at Gretchel Soltones, hahalili kina Kalei Mau at Alohi Robins-Hardy na hindi makakasama sa pool sa dahil sa ilang isyu.
Si Mau ay may iniinda ngayong left Achilles injury na nakuha sa Thailand habang si Robins-Hardy naman ay naging ineligible na maglaro dahil sa wala pa itong Phi-lippine passport.
Muling sasabak sina Aby Maraño, Majoy Ba-ron, Mylene Paat, Roselyn Doria, Ces Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Eya Laure, Dawn Macandili, Kath Arado, Jia Morado, Maddie Madayag at Jovelyn Gonzaga.
Unang makakabangga ng Pilipinas ang first leg fourth placer na Vietnam sa alas-3 ng hapon at susundan naman harapang Thailand at Indonesia sa alas-5.