MANILA, Philippines — Katulad ng dahilan sa hindi pagsama sa walong amateur standouts, pareho ang naging paliwanag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa hindi pagkuha kay naturalized player Andray Blatche para 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Ipinaliwanag ni SBP president Al Panlilio na ang kakulangan ng paghahanda ng Nationals sa ilalim ni bagong coach Tim Cone at ang kanyang komplikadong sistema ang dahilan kaya hindi isinama si Blatche sa 15-man pool.
Mas pinili rin ni Cone ang chemistry at familiarity kaysa sa talento na magiging susi ng kanyang 15-man pool kaya’t anim dito ay manlalaro niya sa Barangay Ginebra.
Ito ay sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Greg Slaughter, Stanley Pringle, Art Dela Cruz at Japeth Aguilar.
Nakatakda ang 2019 SEA Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 na magbibigay ng dalawang buwan na paghahanda ng Nationals.
Dahil din sa 2019 PBA Governors’ Cup ay hindi regular ang pagsasanay ng Gilas at magkakaroon lamang ng 14 practice days sa loob ng dalawang buwan bago ang SEAG.
Ayon kay Cone, makakatulong ang kanyang Ginebra players sa pagpapadali ng ensayo ng Gilas dahil matuturuan nila ng kanyang sistema ang iba pang miyembro ng pool na sina June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Chris Ross at Christian Standhardinger ng San Miguel, Troy Rosario, Jayson Castro at RR Pogoy ng TNT Katropa, Matthew Wright ng Phoenix at Vic Manuel ng Alaska.
Bagama’t hindi pa nakapaglaro sa SEA Games si Blatche ay binanderahan niya ang Gilas noong 2017 sa pagwalis sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Championship na idinaos sa Pilipinas.
Huling naglaro si Blatche para sa Gilas Pilipinas noong 2019 FIBA World Cup.
Bukod sa paglalatag ng programa para sa 2023 FIBA World Cup at iba pang international tournaments ay isa sa nakatakdang pagpulungan ng SBP ay ang kapalaran ni Blatche bilang naturalized player ng bansa.