Road Warriors sinolo ang liderato
MANILA, Philippines – Hindi na matandaan ni coach Yeng Guiao kung kailan huling nagposte ang NLEX ng 2-0 panimula sa kumperensya.
“Matagal-tagal na. It really feels good. We are having a good start this conference. We hope to sustain it,” sabi ni Guiao.
Nagsalpak si center JR Quiñahan ng 19 points tampok ang 5-of-8 shooting sa three-point line para tulungan ang Road Warriors sa 105-99 paggiba sa Meralco sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtala si import Olu Ashaolu ng 17 markers, 13 boards at 3 assists para sa ikalawang sunod na ratsada ng Road Warriors at angkinin ang solong liderato.
Kumolekta naman si Kiefer Ravena ng 15 points, 8 rebounds at 8 assists para sa tropa ni Guiao na nagmula sa 123-116 panalo kontra sa Phoenix.
Hindi naman naduplika ng Bolts ang nauna nilang 98-92 panalo laban sa nagdedepensang Magnolia Hotshots.
Mula sa nine-point lead, 55-46, sa halftime ay inilista ng NLEX ang 20-point advantage, 83-63, sa dulo ng third quarter.
Naputol ito ng Meralco sa 96-100 sa huling 1:13 minuto ng fourth period sa likod nina Best Import Allen Durham, guard Baser Amer at center Raymond Almazan.
Ang undergoal stab ni Cruz mula sa pasa ni Ravena at salaksak ng tinaguriang ‘The Phenom’ ang muling naglayo sa Road Warriors sa 104-96 sa nalalabing 35.4 segundo.
Humakot si Durham ng 32 points, 19 boards, 3 assists at 3 steals para sa Bolts, habang may 17 at 15 markers sina Almazan at Amer, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, puntirya ng Barangay Ginebra at TNT Katropa na kasosyo sa NLEX.
Sasagupain ng Gin Kings ang Phoenix Fuel Masters ngayong alas-6:45 ng gabi matapos ang upakan ng Tropang Texters at Rain or Shine Elasto Painters sa alas-4:30 ng hapon sa Big Dome.
Umiskor ang Ginebra ng 102-83 panalo sa Alaska at minasaker ng TNT Katropa ang Blackwater, 135-107, para ilista ang kani-kanilang 1-0 marka.
- Latest