EL SEGUNDO, California, Philippines – Hindi kaagad makikita sa aksyon si Los Angeles Lakers forward Kyle Kuzma dahil sa stress reaction sa kaliwang paa.
Ito ang inihayag kahapon ng Lakers bago magsimula ang kanilang training camp.
Nakuha ni Kuzma ang injury habang nagsasanay para sa U.S. national team noong Agosto.
Hindi pa siya pinapayagang makipag-ensayo o sumabak sa laro hangga’t hindi siya sumasailalim sa isang MRI exam matapos ang isang preseason trip sa China sa Oktubre 13.
Si Kuzma ang natitirang miyembro ng core ng Lakers na halos karamihan ay nai-trade para makuha si star forward Anthony Davis noong Hulyo.
Si Davis ang makakatambal ni NBA superstar LeBron James para sa kampanya ng Lakers.
Aabangan din ang reunion nina James Harden at Russell Westbrook sa Houston Rockets at ang ‘dynamic duo’ nina Kyrie Irving at Kevin Durant para sa Brooklyn Nets.
Magdaraos ang Lakers ng kanilang annual media day ngayon bago ang formal practice sa ilalim ni bagong head coach Frank Vogel.
Maliban sa Lakers, magdaraos din ng kanilang mga media day ang nagdedepensang Toronto Raptors, Indiana Pacers, Los Angeles Clippers at Sacramento Kings.
“I talked to at least seven GMs over the summer that really feel that they’re going to go for it,” wika ni Washington Wizards general manager Tommy Sheppard ukol sa maagang paghahanda ng mga koponan.
Sa nakaraang 14 seasons, ay 10 prangkisa lamang ang nakapasok sa NBA Finals.
Ito ay ang Lakers, Raptors, Golden State, Cleveland, Miami, San Antonio, Oklahoma City, Dallas, Boston at Orlando.
Sa darating na season ay 10 koponan ang inaasahang may tsansang umabante sa NBA Finals.
Nasa unahan ang Clippers na magtatampok kina star forwards Kawhi Leonard, nagbigay ng unang NBA crown para sa Raptors, at Paul George na nagmula sa Oklahoma City Thunder.