Didal umabante sa semis ng SLS
MANILA, Philippines — Lusot si Margielyn Didal sa semifinal round ng Street League Skateboarding (SLS) Global qualifier nang magtapos sa No. 8 spot sa women’s division kahapon sa Sao Paulo, Brazil.
Nakalikom ng kabuuang 11.1 points ang Pinay skateboard prodigy sa limang tricks na ginawa niya para makasama sa top 20 na didiretso sa semis ng kasama ang Top 4 rank pros.
Dinaig ng 2018 Asian Games gold medalist ang mga Brazilians, Japanese at American skateboarders para pumasok sa top 10.
Makakaharap ni Didal sa semis ang mga pambato ng Japan, Netherlands, China, Brazil at Amerika at kailangan niyang makalusot sa top 18 para umabante sa Finals.
Kabilang sa mga makakabangga niya ay ang No. 1 seed na si Aori Nishamura ng Japan at sina Candy Jacobs at Roos Zwetsloots ng Netherlands.
Ang paglahok ni Didal sa nasabing torneo ay isa niyang paraan para makaipon ng mahalagang Olympic points para sa 2020 Games sa Tokyo, Japan at paghahanda na rin sa pagsabak sa darating na 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Samantala, nabigo naman si Filipino-German Daniel Ledermann na makausad sa semis ng men’s division ng torneo nang tumapos sa ika-56 sa kabuuang 110 lumahok.
- Latest