PetroGazz sasalang sa Taiwan

MANILA, Philippines — Sasabak sa isang Asian tourney ang 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference champions na PetroGazz Angels ngayong Setyembre.

Ang Gazz Angels ang napiling lumaban sa 2019 Taichung Bank International Women’s Invitational Volleyball Tournament sa Taipei, Taiwan na magsisimula sa September 15-19.

Makakaharap ng mga bata ni coach Arnold Laniog sa torneong ito ang ilang mga tropa mula sa mga bansang Thailand, China at Japan.

“Iyong tournament sa Taipei is a big opportunity for our team. Mataas talaga yung level ng competition doon,” ani Laniog. “Kaya naman tayo pupunta roon is para may ma-gain ‘yung team na experience.”

Walang reinforcements na bitbit ang PetroGazz sa kampanyang ito dahil ang dalawang imports nito na sina Wilma Salas at Janina Johnson ay may nauna ng commitment sa ibang bansa.

Ang All-Filipino line up ng tropa ang ipapadala nito sa torneo sina Pa-neng Mercado at Cherry Nunag, Djanel Cheng, Jessey de Leon, Kai Baloaloa, Rica Enclona, Alyssa Layug, Jonah Sabete, Cienne Cruz, Jeanette Panaga, and Jovie Prado.

Alam ni Laniog na magiging mahirap ang kanilang laban sa kompetisyon na ito pero gagawin aniya nila ang kanilang makakaya para mabigyan ng magandang laban ang lahat ng kasali rito.

“We will try our best every game. Kung palaring manalo, better. Kung hindi naman, at least makita natin na maibigay ‘yung best natin at bigyan natin ng magandang laro ‘yung mga opponent,” panapos niya.

Show comments