MANILA, Philippines — Posibleng hindi makalaro si Joe Devance ng hanggang dalawang buwan para sa Barangay Ginebra sa paparating na 2019 PBA Governors’ Cup.
Ito ay dahil sa pagsailalim niya sa operasyon sa kanyang kanang paa na maglalagay sa kanya sa injured bay sa pagsisimula ng season-ending conference sa Setyembre 20.
Ikalawang surgery na ni Devance ito ngayong taon matapos din ang surgery sa kanyang kaliwang paa bunsod ng plantar fascitis injury at stress fracture.
Kung mapapabilis ang paggaling, sa Nobyembre pa makakabalik ang 37-anyos na beterano.
Umaasa si Devance na makakapasok ulit ng playoffs ang Gin Kings upang makatulong pa rin siya sa koponan sa hangarin nilang mabawi ang Governors’ Cup title matapos agawan ng trono ng Magnolia noong nakaraang taon.
Habang wala si Devance, sasandal ang Ginebra kina twin towers Greg Slaughter at Japeth Aguilar gayundin sa backcourt duo nina Scottie Thompson at LA Tenorio.
Inaasahan din ang mas magandang performance ng bagong ka-Barangay na si Stanley Pringle lalo’t natutunan niya na nang husto ang sistema ni head coach Tim Cone simula nang ma-trade mula sa Northport noong Commissioner’s Cup.
Sa ikalimang sunod na conference naman ay magsisilbi si resident import Justin Brownlee bilang pambato ng Ginebra sa season-ending conference.
Kagagaling lang ng Ginebra sa masaklap na 1-3 semis series loss kontra sa Talk ‘N Text sa katatapos lang na 2019 PBA Commissioner’s Cup kung saan sila ang dating kampeon.