Puwede na uling maglaro si Ravena
MANILA, Philippines — Matapos ang 18 buwan sa wakas ay matatapos na rin ang paghihintay ng Gilas Pilipinas at NLEX point guard na si Kiefer Ravena.
Ito ay dahil sa pagwawakas ng kanyang 18-buwang suspensyon mula sa International Basketball Federation (FIBA) ngayong araw na magbibigay sa kanya ng go-signal upang makapaglaro na ulit ng official game simula bukas.
Matatandaang noong Mayo ng 2018 ay inilabas ng FIBA ang hatol nitong ban kay Ravena sa loob ng 18 buwan matapos magpositibo sa banned substances ng World Anti-Doping Agency (WADA).
Inamin ni Ravena ang pagkakamali matapos hindi sinasadyang uminom ng pre-workout drink na naglalaman ng naturang banned substances at buhat noon ay itinuon ang atensyon sa pagpapalaganap ng awareness at advocacy sa mga national athletes upang hindi na maulit ang pangyayari.
Sa loob ng 18 buwan ay hindi nakita ng publiko si Ravena sa anumang basketball-related activities kabilang na ang laro ng national teams at kanyang mother team na NLEX bago nabigyan ng go-signal na magbalik sa ensayo noong Hunyo 24 sa parehong Road Warriors sa PBA at sa Gilas Pilipinas.
Bagama’t nakabalik na sa training sa nakalipas na dalawang buwan, bawal pa rin si Ravena na maglaro ng official basketball game kaya’t hindi nasilayan sa sinalihang tune-up games at pocket tournament ng Gilas sa Malaga at Guadalajara, Spain noong nakaraang buwan.
Hindi pa nakalaro si Ravena sa friendly game ng Gilas kontra sa Adelaide 36ers ng Australia kagabi sa Meralco Gym subalit matapos ang isa’t kalahating taon ay makakalaro na ulit sa wakas kontra sa parehong koponan bunsod ng pagtatapos ng kanyang suspensyon ngayon.
Sasabak ulit ang Gilas sa Adelaide bukas bilang bahagi ng pinal na paghahanda bago sila lumipad sa China sa Agosto 29 para sa 2019 FIBA World Cup na nakatakda mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
Inaasahan ang pagbabalik ni Ravena na mala-king tulong sa pilay-pilay na Gilas pool ngayon bunsod ng injuries nina Marcio Lassiter, JP Erram at Matthew Wright.
Isa si Ravena kasama sina Robert Bolick, CJ Perez, Mark Barroca, Paul Lee, Raymond Almazan at Beau Belga sa pagpipilian ni head coach Yeng Guiao para sa huling anim na slots sa Final 12 roster ng Gilas.
Nauna nang pinangalanan ang mga Gilas veterans na sina June Mar Fajardo, RR Pogoy, Troy Rosario, Gabe Norwood, Japeth Aguilar at naturalized player Andray Blatche bilang shoo-ins sa unang anim na roster spots.
- Latest