MANILA, Philippines — Hindi man naging pabor para sa defending champions na Petron Blaze Spikers ang naging resulta ng kanilang semifinals match, para kay head coach Shaq delos Santos wala raw dapat silang ikahiya.
Bigo ang Petron na madagit ang inaasam nilang three-peat na korona sa All-Filipino Conference ng Philippine Superliga nang paluhurin sila ng Cignal HD Spikers, 28-30, 12-25, 25-17, 25-23, 8-15, do-or-die semis noong Huwebes.
“I think much better na i-accept namin ‘yung nangyari ngayon then hindi namin kailangan mahiya or ano kasi sobrang proud ako sa team namin, sobrang lumaban kami hanggang dulo,” sabi ni Delos Santos. “Sabi ko rin kanina sa team na hindi tayo lalabas dito ng nahihiya or ano kasi kami sobra namin kayong pinagmamalaki.”
Inamin din niya na masakit sa parte nila ang nangyari sa kanila at hindi niya inaasahan na ganito ang magiging resulta ng laban pero alam niya na hindi sa lahat ng pagkatakataon ay nasa itaas sila.
“Ganun talaga we need to accept talaga na not all the time lagi kaming nasa taas or lahat ng gusto namin masusunod,” dagdag niya.
Sinaluduhan din ni Delos Santos ang HD Spikers sa ipinakitang tapang at determinasyon ng tropa at sa gutom na makuha ang panalo para makatuntong sa championship round ng liga.
Isang malaking aral din para sa Blaze Spikers sa naging kinalabasan ng laban na ito at kailangan nila aniyang mas pagiigihan sa susunod at nangakong muli silang babalik sa tuktok.