Unahan ang Cignal at Petron
MANILA, Philippines — Tuloy ang laban ng da-lawang bigating koponan para sa huling upuan sa Finals ng 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference.
Maghaharap sa ‘do-or-die’ semifinals match ang defending champions na Petron Blaze Spikers at Cignal HD Spikers para makaabante sa championship round ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Nagawang manggulat ng HD Spikers nang burahin nila ang ‘twice-to-beat’ advantage na hawak ng Blaze Spikers sa likod ng kanilang come-from-behind victory, 25-20, 10-25, 16-25, 27-25, 15-11 noong Martes.
Nag-init para sa Cignal ang tambalan ng dala-wang beteranong sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga na nagre-histro ng 21 at 15 marka, ayon sa pagkakasunod.
Naniniwala si Cignal head coach Edgar Barroga na mas mabigat na pressure ang nasa balikat ngayon ng Petron pero magkagayon man ay bibigyan pa rin nila ito ng magandang laban.
“Palagay ko ‘yung pressure ngayon nasa kanila kasi ngayong nothing to lose na kami, bibigyan na lang namin siguro ng magandang laban ‘yun at saka pag-eensayuhan namin sila. Siguro ‘yun na lang,” ani Barroga.
Sasandalan muli ng Cignal sina Daquis at Gonzaga kasama sina Janine Navarro, Mylene Paat, Alohi Robins-Hardy, Ranya Musa, Roselyn Doria at Jheck Dionela.
Sa panig naman ng Petron, inaasahan na nila na magiging dikit ang laban nila kontra sa Cignal kaya’t wala silang magagawa kundi tanggapin ang kanilang pagkatalo at bumalik at bumawi para madepensahan nila ang kanilang korona.
Kung sinuman ang manalo ay makakaharap ang F2 Logistics na una nang nakalusot sa Finals matapos patalsikin ang Foton, 25-19, 25-23, 17-25, 25-19.
- Latest