Lassiter out na sa Gilas sa World Cup

Marcio Lassiter

MANILA, Philippines — Posibleng mabawasan ng tirador ang Gilas Pilipinas para sa nalalapit na kampanya sa 2019 FIBA World Cup sa China sa susunod na buwan.

Ito ay matapos madale ng Grade 2 MCL sprain ang top gunner na si Marcio Lassiter sa kanyang kaliwang tuhod sa ka­tatapos lang na quarterfinals ng 2019 PBA Commissioner’s Cup, ayon sa kumpirmasyon ni team manager Gee Abanilla.

Ito ang diagnosis sa magnetic resonance ima­ging (MRI) ni Lassiter ka­makalawa pagkatapos ng quar­terfinal series ng San Miguel at NorthPort.

Dahil sa nasabing in­jury ay mawawala si Las­siter ng hanggang anim na linggo kaya’t ba­ka hindi na makalaro sa natitirang bahagi ng midseason conference gayundin sa world basket­ball championships.

Nakatakda ang naturang FIBA World Cup sa Foshan, China sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15.

Natamo ni Lassiter ang naturang injury matapos makabanggaan si Garvo Lanete ng Batang Pier sa second quarter ng ‘do or die’ quarterfinals match ng Beermen, inangkin ang 90-88 panalo.

Limang sunod na beses nagkampeon sa PBA Philippine Cup, kaila­ngan ng San Miguel na manalo kontra sa Rain or Shine sa kanilang semifinals series kahit wala si Lassiter para mapanatiling buhay ang hangad nilang Grand Slam.

Sa pagkawala ni Lassiter ay maiiwan ang shooting guard spot kina RR Pogoy at Matthew Wright isang buwan na lang bago ang FIBA World Cup.

Kagrupo ng Gilas sa Pool D ng quadrennial basketball showpiece ang Serbia, Italy at Angola.

 

Show comments