MANILA, Philippines — Determinado si Jomary “The Zamboanginian” Torres na makabalik sa winner’s circle sa One: Masters Of Destiny sa July 12 laban sa Malaysian hometown hero na si Jihin “Shadow Cat” Radzuan.
Naging mailap ang panalo kay Torres matapos ang sunud-sunod na kabiguan kontra kina Priscilla Hertati Lumban Gaol, Mei Yamaguchi at Lin Heqin.
Ngunit imbes na makasira sa kanya ang mga kabiguan ay ginawa niya itong leksiyon upang paghandaan si Radzuan na suportado ng kanyang mga kababayan sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur.
“It will be a good fight. Jihin is a good fighter,” ani Torres. “She’s strong and skilled. Both of us are hungry to win. I will give my best in this fight.”
Mapapalaban si Torres sa Malaysian fighter na tinatawag na “Shadow Cat”.
Sinimulan ni Radzuan ang kanyang mixed martial arts stint sa pamamagitan ng sunud-sunod na panalo sa kanyang unang apat na professional bouts hanggang sa makaharap niya ang pambato ng Team Lakay na si Gina Iniong.
Kahit malakas si Radzuan, naniniwala si Torres na magkakaroon ng positibong resulta ang kanyang laban.
“Jihin is strong and very well-rounded,” ani Torres. “She can strike and she can take the fight to the ground. I have to be at my very best if I am to take the victory. My team and I have prepared well for this fight.”