MANILA, Philippines — Kumapit nang husto ang BanKo Perlas sa huling sandali ng laro para kunin ang 19-25, 23-25, 25-18, 25-22, 17-15 panalo laban sa Motolite para palakasin ang tsansang makapasok sa semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Alonte Sports Center sa Biñan, Laguna.
Pinamunuan ni team captain Nicole Tiamzon ang Perlas Spikers matapos kumana ng 19 points mula sa 18 attacks at 1 ace kasama ang game-winning hit sa fifth set para makuha ang panalo.
“Nag-reset lang kami lalo na nung down kami ng two sets. Sa fifth set talagang patatagan na lang ng loob. Wala ka-ming inisip kundi makapuntos lang at makuha ‘yung set,” ani Tiamzon.
Umangat ang Perlas Spikers sa No. 4 spot hawak ang 3-5 baraha.
Matapos malugmok sa 0-2 pagkakabaon, hindi agad nawalan ng pag-asa ang BanKo Perlas nang ilatag nito ang matikas na opensa sa likod nina Tiamzon, middle blockers Katherine Bersola at Turkish Yasemin Yildirim.
Nagbigay din ng ilang krusyal na puntos si Thai import Sutadta Chuewulim at opposite hitter Sue Roces para maitabla sa 2-2 ang sets.
Sa fifth set, nakabaon sa 12-14 ang Perlas Spi-kers ngunit unti-unti itong lumapit para maitabla sa 14-all bago kumana si Tiamzon ng mga huling puntos ng tropa upang makuha ang panalo.
“Pina-practice namin sa training na kapag wala kaming receive, kailangan may go-to-person kami kaya kailangan namin akuin (kapag ibinigay sa amin yung bola) lalo na sa crunch time,” ani Tiamzon.
Nanganganib ang Power Builders na nahulog sa 3-6 baraha.