MANILA, Philippines — Muling lilipad ang bandila ng Pilipinas sa Japan Volleyball League matapos kunin ng Oita Miyoshi Weisse Adler ang serbisyo ni UAAP Most Valuable Player Bryan Bagunas para sa susunod na season ng liga.
Si Bagunas ang ikalawang Pinoy na maglalaro sa Japan matapos ang playing stint ni five-time UAAP MVP Marck Jesus Espejo ng Ateneo de Manila University na naglaro sa parehong koponan.
Sabik na ang National University standout na maipamalas ang kanyang husay sa Japan.
“Sobrang saya ko po dahil pangarap ko tala-gang makapaglaro internationally. Kaya ibibigay ko po talaga ang lahat. ‘Yung mga natutunan ko dito, gagamitin ko doon,” ani Bagunas.
Magarbong tinapos ni Bagunas ang collegiate career nito matapos dalhin ang Bulldogs sa kampeo-nato sa UAAP Season 81.
Itinanghal din itong Season MVP matapos magtala ng average na 20.3 points per game mula sa impresibong 53.49% accuracy rate sa attacks.
Nakuha rin ni Bagunas ang First Best Outside Spiker at Best Server awards gayundin ang Finals MVP plum.
Sa kabila ng makulay na kampanya sa local scene, alam ni Bagunas na marami pa itong matututunan sa Japan kasama ang mga beteranong Japa-nese players at mahuhusay na Japanese coaches at trainers.
Magsisimula ang Japan Volleyball League sa Oktubre ngunit magtutungo na si Bagunas sa Japan sa Setyembre pa lamang para simulan ang training doon.
Tiniyak naman ni Bagunas na babalik ito sa Nobyembre upang maging bahagi ng national team na sasabak sa 2019 Southeast Asian Games na iho-host ng Pinas.