MANILA, Philippines — Kaagad tututukan ng bagong upong presidente ng Philippine Olympic Committe (POC) na si Joey Romasanta ang preparasyon ng bansa sa hosting ng 2019 Southeast Asian Games ngayong Nobyembre 30 hanggang sa Disyembre 11 sa iba’t ibang venues sa New Clark City, Subic, Metro Manila at Tagaytay City.
Ayon sa 74-anyos na si Romasanta, susundin niya ang orihinal na set-up ng Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC) kung saan ang POC ang magpapatakbo sa Sea Games kabilang na ang pag-a-identify sa mga sports, events at iba’t ibang venues na gagamitin para sa mahigit 56 sports discilpines na pag-lalaban sa Sea Games.
“Kung puwede lamang, I would like to revert back to the original formula na ang POC ang magpapatakbo ng Sea Games including sa pag-a-identify ng sports, events and venues,” sabi ni Romasanta, ang humalili sa nagbitiw na si Ricky Vargas bilang POC president noong Martes.
Dahil sa irrevocable resignation ng 67-anyos na si Vargas, si Romasanta ang pumalit dahil siya ang first vice-president ng POC. Ang kanyang termino ay matatapos sa nakatakdang regular election ng Olympic body sa Nobyembre sa susunod na taon alinsunod sa kanilang constitution-and-by-laws.
Kinumpirma rin ni Romasanta na hindi na papalitan bilang chairman ng Phisgoc si Taguig Rep.-elect Alan Peter Cayetano at Philippine Sports Commission chairman William Ramirez bilang Chief of Mission ng Philippine delegation sa 2019 Sea Games.
Sa pahayag ni Romasanta, tuluyan nang mawawala ang Phisgoc Foundation at makikipagtagpo siya kay Cayetano para pag-usapan ang transition ng Phisgoc para maibalik sa original na plano bilang isang committee sa ilalim ng pangangalaga ng POC.
Nagpapatawag din si Romasanta ng POC General Assembly ngayong Martes sa GSIS Gym sa Pasay City para sa assessment ng mga national sports associations (NSAs) sa kanilang preparasyon para sa Sea Games.
Inutusan din ng bagong POC chief si dating POC secretary-general Steve Hontiveros na pagpapatawag ng emergency meeting sa 11-member Sea Games Federation Council upang talakayin ang bagong development kabilang na ang planong bawasan ang bilang ng mga sports disciplines na 56 na paglalaban sa 12-day competition.
Ayon sa isang source, pinag-iisipan umano ng POC na ipagpaliban sa unang quarter sa susunod na taon ang pagdaraos sa biennial multi-event meet.