MANILA, Philippines – Nasikwat ng Centro Escolar University ang karapatang makaharap ang Cignal-Ateneo sa Finals matapos ipagpag ang St. Clare College-Virtual Reality, 89-72, sa Game Three ng kanilang 2019 PBA D-League best-of-three semifinals series kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ito ay kahit pa naglaro muli ang Scorpions na may pitong players sa ikaapat na sunod na pagkakataon mula sa quarterfinals kung saan nasangkot sa ‘game-fixing’ scandal ang walo nilang manlalaro.
Naghahabol ng isang puntos, 38-39, papasok ng halftime, nagpakawala ang CEU ng 29-13 birada sa ikatlong kanto upang makapagtayo ng 67-52 kalamangan papasok sa huling kanto.
Bagama’t kontrolado na ang manibela, muntikan pang maubusan ng bala ang Scorpions nang matawagan ng flagrant foul penalty 1 si Senegalese big man Maodo Malick Diouf sa huling 3:11 ng laban.
Sumaklolo naman sina Rich Guinitaran at Dave Bernabe sa natitirang bahagi ng laro sa pagkawala ni Diouf na kinailangang umupo ng tatlong minuto.
“We didn’t expect to be here, to make it to the Finals, but the heart and the desire to win ng mga players, there’s no substitute for that,” ani head coach Derrick Pumaren.
Naglista si Guinitaran ng 23 points, 7 rebounds at 4 assists para giyahan ang Scorpions, habang nagtala ng 22 markers si Bernabe.