Cignal-Ateneo pasok sa finals

Si Thirdy Ravena ng Cignal Ateneo laban kay Jessie Sumoda ng Valencia-SSCR. (PBA D-League photo)

MANILA, Philippines – Tinambakan uli ng Cignal-Ateneo ang Valencia City Bukidnon-SSCR, 100-73 sa Game 2 upang makumpleto ang semis series sweep at makadagit ng tiket sa Finals ng 2019 PBA Developmental League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Matapos maiwan sa 14-26 sa unang kanto, pumutok ang Blue Eagles sa second frame upang maagaw nila ang manibela sa 50-45 papasok ng halftime.

Subalit mas mainit na rally ang pinakawalan ng Ateneo sa ikatlong kanto na binuksan nila ng 20-2 birada upang tuluyang iwan ang Golden Harvest sa 70-47 na hindi na nila binitiwan pa tungo sa tagumpay.

Nanguna para sa Blue Eagles ang kapitan na si Thirdy Ravena na kumonekta ng 19 puntos, limang rebounds at limang assists habang nagdagdag din ng 13 puntos at anim na rebounds si Isaac Go.

Matapos naman ang 19 puntos at 20 rebounds na performance noong Game 1, nagpatuloy sa pana-nalasa sa ilalim si Ange Kouame na may 12 puntos at 18 rebounds.

Sa kabila naman ng panalo na nagpasok na sa kanila sa wakas sa championship series ng D-League, pinaalala ni top deputy Sandy Arespacochaga na bahagi lamang ito ng kanilang paghahanda sa Season 82 ng UAAP kung saan sila lilipad para sa ikatlong sunod na titulo.

“As we have said before, everything that we’re doing this offseason is just part of our preparations for the UAAP,” ani Arespacochaga. 

Sa kabilang banda, ininda naman ng Valencia City ang maagang pagkawala ng isang alas na si Allyn Bulanadi na nadale agad ng shoulder injury dalawang minuto pa lamang sa laban.

Sa ikalawang laro, bumangon ang St. Clare College-Virtual Reality matapos irehistro ang 84-50 demolisyon sa Centro Escolar University upang maipuwersa ang rubber match sa kanilang best-of-three semifinal series.

 Lalaruin ang Game 3 sa Martes sa parehong venue.

Show comments