MANILA, Philippines – Puntirya ni Pinoy boxing sensation Aston Palicte na maitarak ang knockout win laban kay Japanese Kazuto Ioka sa kanilang bakbakan sa Hun-yo 19 para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) super flyweight belt.
Idaraos ang bakbakan sa Makuhari Messe Hall sa Chiba City, Japan.
Pursigido si Palicte na makuha ang KO win kaya’t sumasailalim ito sa matinding paghahanda.
“Kung mabibigyan ng tsansa, gusto ko talagang ma-knockout si Ioka. Kaya talang nakatutok ako sa training,” ani Palicte.
Base sa magandang itinatakbo ng kanyang training, nararamdaman ni Palicte na handa na ang kanyang katawan na makuha ang inaasam na knockout win.
At base sa kanyang tantiya, nasa 95 porsi-yento na itong handa.
“Sa galaw ko sa training, nakikita ko na handa na talaga ako. Sisiguraduhin ko na kapag tinamaan ko siya, mana-knockout siya,” dagdag ni Palicte.
Napag-aralan na ni Palicte ang estilo ni Ioka.
Ilang laban na ni Ioka ang paulit-ulit nitong pinanood. Kaya naman alam na ni Palicte ang gagawin nito sa kanilang laban.
“Napanood ko ‘yung huling laban niya. Confident ako na matatalo ko siya,” wika pa ni Palicte.
Ipinagmalaki ni Palicte na ito ang pinakamatindi at pinakamagandang training camp na kanyang pinagdaanan kaya’t maganda ang resulta na kita sa kanyang pangangatawan.
“Ito yung best camp ko at masaya ako sa resulta,” ani Palicte.
Nakatakdang umalis ang kampo ni Palicte sa Hunyo 12 patungong Japan. Makakasama nito sina trainer Rodel Mayol, strength and conditioning coach Jacko Bernardo at manager Jason Sung.