MANILA, Philippines – Ipaparada nina dating world champion Carlo Biado at Jeff De Luna ang bandila ng Pilipinas sa prestihiyosong 2019 World Cup of Pool na idaraos sa Hunyo 25 hanggang 30 sa Morningside Arena sa Leicester.
Puntirya nina Biado at De Luna na maibalik sa Pilipinas ang kampeonato na anim na taon nang hindi dumadapo sa bansa sapul nang magkampeon sina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza noong 2013 edis-yon sa London, England.
Ang Pilipinas at China ang winningest teams sa naturang kumpetisyon.
Nagkampeon sina Efren “Bata” Reyes at Francisco ‘Django” Bustamante ng dalawang beses noong 2006 edisyon sa Newport, Wales at noong 2009 sa torneong idinaos sa SM North sa Quezon City.
Ngunit hindi biro ang pagdaraanan nina Biado at De Luna dahil mapapalaban ito sa 31 pang matitikas na pares mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nangunguna sa mga magtatangka sa edisyong ito sina reigning champion Wu Jiaqing at Liu Haitao ng China kasama sina second seeds Jayson Shaw at Chris Melling ng Great Britain, third seeds Ko Pin Yi at Ko Ping Chung ng Chinese-Taipei at fourth seeds Joshua Filler at Ralf Souquet ng Germany.
Ilan pang kilalang tropang sasargo ay sina Shane Van Beoning at Skyler Woodward ng Amerika, Albin Ouschan at Mario He ng Austria, Niels Feijen at Marc Bijsterbosch ng Netherlands, Petri Makkonen at Mika Immonen ng Finland at Klenti Kaci at Besar Spahiu ng Albania.
Kakatawanin ni Manila SEA Games triple gold medallist Alex Pagulayan sa pagkakataong ito ang Canada kasama si John Morra.
Unang makakasagupa nina Biado at De Luna sina Roman Hybler at Michal Gavenciak ng Czech Republic sa torneong magpapatupad ng knockout system.
Nakalaan ang tumataginting na $250,000 pa-premyo tampok ang $60,000 para sa magkakampeong pares.