Magandang simula para sa Lady Troopers

MANILA, Philippines — Maagang nagparamdam ng puwersa ang Pacific Town-Philippine Army nang giyerahin nito ang BaliPure Water Defenders, 25-20, 25-16, 24-26, 25-23 sa 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Kumuha ng malakas na amunisyon ang Lady Troopers kina foreign reinforcements Olena Lymareva-Flink ng Ukraine at Jenelle Jordan ng Amerika upang masungkit ang unang panalo sa kanilang pagbabalik sa liga matapos ang apat na taong pagliban.

Nagtala si Lymareva-Flink ng 15 puntos mula sa 12 attacks at tatlong aces para pamunuan ang opensa ng Lady Troopers habang si Sarah Jane Gonzales ang humawak sa setting chores ng tropa.

“I’m just happy to be back here in the Philippines and I’m just thankful to the team and to my teammates,” wika ni Lymareva-Flink na magugunitang naglaro para sa PetroGazz noong 2018 Reinforced Conference.

Nakakuha rin ng sapat na suporta sina Lymareva-Flink at Jordan kina open hitter Honey Royse Tubino, opposite spiker Jovelyn Gonzaga at team captain Mary Jean Balse.

Pinagtulungan naman nina libero Tin Agno at Angela Nunag ang floor defense ng Lady Troopers.

Nakakasabay ang Water Defenders sa paluan sa likod nina Slovakian Alexandra Vajdova at power-hitting wing spiker Grace Bombita.

Nagawa pang makahirit ng panalo ang Water Defenders sa third set.

Subalit malaking pasakit sa BaliPure ang kaliwa’t kanang errors nito partikular na sa service area kabilang ang krusyal na error ni Menchie Tuviera na nagbigay ng game-winning points sa Pacific Town-Army.

Umangat sa 1-0 ang Lady Troopers habang bagsak sa 0-1 panimula ang Water Defenders.
Huling naglaro sa PVL ang Lady Troopers noong 2015 sa Reinforced Conference kung saan tumapos ito bilang runner-up.

 

Show comments