MANILA, Philippines — Balik sa PBA Commissioner’s Cup si San Miguel import Charles Rhodes dala-dala ang pareho niyang misyon.
Ito ay ang magwagi ulit ng kampeonato na siyang magbabalik sa Beermen sa trono ng torneo.
“I have a same goal. I’m here to regain the crown,” sabi ng 33-anyos na reinforcement sa kanyang pagbabalik isang taon matapos mawala sa PBA.
Noong 2017 kung saan sya ay first time PBA import ay binitbit ni Rhodes sa kampeonato ng mid-season conference ang SMB matapos ang 4-2 Finals series win kontra kay Joshua Smith at sa TNT katropa.
Tinanghal ding Best Import si Rhodes sa parehong taon subalit hindi nasamahan ang Beermen sa pagdepensa ng korona noong 2018.
“I always wanted to come back. I wanted to come back last season but you know, I had a daughter. I just had to be home with my daughter and my wife,” ani Rhodes na naglaro rin sa Incheon ET Elephants at Jeonju KCC Egis sa KBL. “But now, I’m here. I’m ready to defend my crown.”
Sa pagkawala kasi ni Rhodes ay naagaw ni 2018 Best Import Justin Brownlee at ng Barangay Ginebra ang titulo matapos ang 4-2 Finals series win kontra kay Renaldo Balkman at sa Beermen.
Subalit ang pagbawi ng korona ay hindi magiging madali para kay Rhodes lalo’t makakalaban niya ang mga PBA Best Imports na sina Rob Dozier ng Phoenix, Brownlee ng Ginebra at Denzel Bowles ng Rain or Shine gayundin ang dating NBA player ng Houston Rockets na si Terrence Jones.
“All of that motivates me. If everybody knows me, playing against more NBA players, ex-NBA players is better for me because I have a chip on my shoulder,” ani Rhodes.
“I would take it out on those guys. That’s what I did last time and that’s what I will do this conference also,” dagdag pa nito.